Wednesday, November 21, 2012

Magaling talaga ang tatay ko (karugtong)

Naisipan ng tatay ko na gumawa ng katre (wooden bed) para sa nanay ko na kakapanganak lang sa bunso namin.  Ilalagay ito sa tindahan (store) para hindi na mag-manhik-manaog ang nanay ko dahil siya ang tumatao sa tindahan namin.  Walang metro (measuring stick) ang tatay ko na mahaba dahil hindi naman laging kakailanganin ito, kaya hindi siya bumibili.  Humiram na lang siya sa kapitbahay na si Mamay Berto para di na gumastos pa.

Nakakatuwa ang metrong ito kasi natutupi (fold) mo itong patagilid.  Ang pagmaniobra nito ay parang sa abaniko.  Lagi kong kinukuha at nilalaro ito, at palagi naman akong pagsasabihan ng tatay ko sabay kuha ng metro sa kamay ko.  Baka ko raw mabali ito e nakakahiya raw sa taong hiniraman.  Sumusunod naman ako.

Isang araw, kailangang makipaglibing ang tatay ko.  Sa amin kasi e malaking bagay ang pakikipaglibing kaya itinigil muna ang pag-gawa niya ng katre at umalis.  Hinanap ko ang metro noong nakaalis na siya pero itinago niya talaga ito.  Hindi ito nakakalat doon sa lugar pinag-gagawaan niya. Dahil matiyaga ako, nahanap ko ang metro na nakasuksok sa bubong ng garahe namin.  Hindi talaga maaabot ng batang katulad ko.  Ang problema ay nakalimutan ng tatay ko na ma-abilidad ako, at nakagawa ng paraan para abutin ito.  Tumuntong ako sa tapalodo (hood) ng 'owner-type jeep' namin at gamit ang walis, nasungkit ko yung metro.

Pagbalik ng tatay ko, bali na ang metro.  Napagalitan ako pero di niya ako pinalo.  Di namamalo ang tatay ko, puros taas lang ng boses at pananakot.  Bumili na lang siya ng bagong metro na isinauli kay Mamay Berto.  Magaling talaga ang tatay ko.

No comments:

Post a Comment